VP Sara inasunto ng direct assault, grave coercion ng QCPD
MANILA, Philippines — Kinasuhan ng Direct Assault, Disobedience at Grave Coercion ng Quezon City Police District (QCPD) si Vice President Sara Duterte at chief security nito na si Army Col. Raymund Dante Lachica sa Quezon City Prosecutors Office kasunod ng naganap na insidente sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) nitong Sabado.
Kahapon ay personal na nagtungo sa fiscal’s office si QCPD Director PCol. Melecio Buslig, Jr. kasama si Lt. Col. Van Jason Villamor, hepe ng QCPD Medical and Dental Unit at iba pang pulis upang ihain ang reklamo laban kay Duterte na umano’y nagbanta, nanakit sa kanila.
“We have referred a criminal complaint of Direct Assault, Disobedience and Grave Coercion,” ani Buslig.
Nag-ugat ang kaso sa komprontasyon nina Duterte at mga pulis nang ilipat sa St. Lukes Medical Center mula sa VMMC ang chief of staff ng Bise Presidente na si Atty. Zuleika Lopez.
Isinugod si Lopez, sa VMMC matapos itong makaranas ng pagkahilo at pagsusuka hanggang sa ilipat sa St. Luke’s sa E. Rodriguez, QC.
Nakita sa video ang pagsita at pagduduro ni Duterte sa mga pulis na noo’y itinalaga para sa kanilang seguridad.
Agad din namang ibinalik si Lopez sa VMMC na dumanas ng acute stress disorder.
Sinabi naman ni Villamor na hindi nila inakala na gagawin sa kanila iyon ng Bise Presidente dahil tumutupad lamang sila sa kanilang trabaho.
Bukod kina Duterte at Lachica, ilan ding John Does at Jane Does din ang kinasuhan.
- Latest