NBI naisilbi na subpoena kay VP Sara
MANILA, Philippines — Naisilbi na kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang subpoena laban kay Vice President Sara Duterte sa tanggapan nito sa Office of the Vice President (OVP) sa Mandaluyong City.
Ang naturang subpoena, na pirmado ni NBI Director Jaime Santiago at may petsang Nobyembre 25, 2024, ay inihatid ng NBI Special Task Force (NTF) at tinanggap ng OVP dakong alas-12:52 ng tanghali kahapon.
Sa naturang subpoena, inatasan si Duterte na magtungo sa tanggapan ni Santiago sa Pasay City, dakong alas-9:00 ng umaga sa Nobyembre 29, Biyernes.
Nais nitong hingian ng paliwanag si Duterte hinggil sa ginawa nitong pagbabanta sa buhay nina Pang. Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Nakasaad din sa subpoena na si Duterte ay iniimbestigahan sa kasong grave threats, at posibleng paglabag sa anti-terrorism act.
Samantala, sa isang pahayag, sinabi naman ng Bise Presidente na ang kanyang pahayag ay walang active threat.
“Common sense should be enough for us to understand and accept that a supposed conditional act of revenge does not constitute to an active threat. This is plan without a flesh.” ani Duterte.
Dagdag pa ni Duterte masyadong binigyan diin ang salitang ‘assassin’ na nagbigay ng takot sa publiko.
Muli ring iginiit ni Duterte na ang kanyang pahayag ay “taken out of its logical context” lamang.
Aniya pa, ang paggigiit ng Marcos administration na ang buhay ng pangulo at ‘under active threat’ ay ‘ominous.’
Dagdag pa niya, “There is absolutely no flesh on the bone, and despite the absence of a reliable investigation, authorities were quick to consider this a national security concern
Samantala, nananatili kahapon sa Veterans Memorial Medical Center si VP Sara kung saan naka confine ang dalawang tauhan sa OVP na ang isa dito ay si Atty Zuleika Lopez, chief of Staff ng Office of the Vice President.
- Latest