‘Notice of strike’ tinabla ng PAL workers
MANILA, Philippines – Mariing kinontra ng active workers ng Philippine Airlines (PAL) ang ‘notice of strike’ na inihain ng mga umano’y nagpapanggap na union officials ng PAL Employees Association o PALEA.
Sa isang manifestation sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB), tinutulan ng mga lehitimong manggagawa ng PAL ang bantang welga ng grupo ni dating PALEA president Gerardo “Gerry” Rivera.
Ayon kina Renato Ebio, Danilo Hermoso, Mercedes Ines, Teodoro Jordan at Arnel Mangalindan na pawang empleyado PAL at miyembro ng PALEA, wala umanong karapatan ang grupo ni Rivera na katawanin ang kanilang unyon at maghain ng ‘notice of strike’ dahil hindi na sila empleyado ng naturang airline.
Maliban sa isang Eugene Soriano, ang lahat umano ng naka-puwesto mula president, vice-president, secretary at auditor ng PALEA ay pawang wala na sa pwesto matapos ang outsourcing program ng kumpanya noong 2011. At dahil sila’y hindi na empleyado ng PAL, nawala na rin ang kanilang status bilang miyembro ng unyon, batay na rin sa sariling by-laws ng PALEA, dagdag pa grupo.
Kasalukuyang inaapela ni Rivera at 11 kasamahan niya ang desisyon ng Bureau of Labor Relations (BLR) kamakailan na nagpawalang-bisa sa kanilang eleksyon bilang mga opisyal ng PALEA. Ayon sa BLR, isang sangay ng Department of Labor and Employment, si Rivera at mga kasama nito ay hindi na mga empleyado ng PAL nang sila ay lumahok at mahalal bilang opisyal ng unyon.
- Latest