‘Militarisasyon’ sa paaralan bawal - DepEd
MANILA, Philippines - Walang eskwelahan, pribado man o pampubliko, ang magpapahintulot sa pagpasok ng kahit sinumang armadong indibidwal o grupo.
Ito ang inihayag kahapon ni Education Secretary Armin Luistro hinggil sa presensya ng militar sa ilang paaralan sa Mindanao.
Aniya, nakasaad sa DepEd Memorandum 221 na may titulong “Guidelines on the Protection of Children During Armed Conflict,” na inisyu noong 2013, hindi pinapayagan ang mga armadong indibidwal na pumasok sa bisinidad ng mga paaralan, batay sa mga guidelines na nakasaad sa memo.
Ayon sa Kalihim, ang DepEd ay kaisa ng mga protesters sa concern ng mga ito para sa kaligtasan ng lahat ng mga tao sa loob ng paaralan.
Nanindigan din si Luistro na ang mga paaralan ay ‘zones of peace’ kaya’t walang armed personnel na dapat manatili sa mga school grounds dahil malalagay lamang sa panganib ang mga mag-aaral.
Hindi rin aniya pinapayagan ang military operations at engagements sa loob ng paaralan, maliban na lamang sa civil-military activities tulad ng Brigada Eskwela at Medical Missions.
“Pati nga po pulis, hindi basta puwedeng pumasok sa eskwelahan. May programa dapat yan, walang baril,” pahayag pa ni Luistro. (Mer Layson)
- Latest