Dedicated lane sa livelihood-based riders susubukan sa Commonwealth
MANILA, Philippines — Nakipagdayalogo sa motorcycle stakeholders ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga pangunahing alalahanin sa trapiko, kabilang ang pagtatalaga ng mga motorcycle lane, integrasyon sa bicycle lane, at pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Pinangunahan ng Angkas ang forum, na dinaluhan ng nagkakaisang kinatawan ng motorcycle taxi platforms, delivery riders, safety advocates, big biker clubs, at motorcycle rights organizations.
Nagresulta ang dayalogo sa pag-anunsyo ni MMDA Chairman Don Artes na magpi-pilot muna ng isang motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, para sa mga livelihood-based riders na kinabibilangan ng motorcycle taxis at delivery riders, sa layuning isulong ang kaligtasan sa kalsada at kilalanin ang papel ng motorsiklo bilang mahalagang paraan ng transportasyon at kabuhayan.
Nangako din si Artes na paiigtingin ang pagsawata sa mga kolorum na operators at makikipagtulungan sa platforms tulad ng Angkas para matukoy ang mga lehitimong riders.
Nilinaw din ni Artes ang ilang concerns at pangamba ng riders sa ipinatutupad na no contact apprehension policy (NCAP).
“Our goal has always been to work with government to professionalize the sector and uplift the lives of riders,” ayon naman kay Angkas CEO George Royeca, na nagpasalamat sa MMDA sa pakikinig at paggawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga commuters at dignidad para sa livelihood riders.
- Latest