San Juanico Bridge madadaanan na sa Disyembre
MANILA, Philippines — Siniguro ni Pangulong FerdinandMarcos Jr. na maaari nang madaanan ng mga sasakyang may bigat na 12 tonelada sa Disyembre ang San Juanico Bridge.
“Ang schedule namin dapat by December, before the end of the year, ang pwede ng gamitin na sasakyan hanggang 12 tons,” ayon sa Pangulo.
Nagbabala rin si Pangulong Marcos na kapag hindi natapos ng hanggang Disyembre ang rehabilitasyon ng nasabing tulay ay tatanggapin niya ang resignation ng mga opisyal ng gobyerno na gumagawa nito.
Kasabay nito, humingi naman ng paumanhin ang Pangulo sa mga residente ng Samar at Leyte na naapektuhan ng rehabilitasyon at sinabing nais ng gobyerno na masiguro ang kanilang kaligtasan.
“Well sorry na nangyari ito, alam ko ‘yung nararanasan ninyo, nararanasan ng ating mga transport operators, nararanasan ng ating mga negosyante,” sinabi pa ni Marcos.
Asahan naman aniya na minamadali ng gobyerno ang pagsasaayos ng San Juanico Bridge para agad itong madaanan.
Ang nasabing tulay ay ginawa noong 1969 at natapos noong 1973 at isa sa pinakamahabang tulay na tumatawid sa karagatan ng Pilipinas at nagkokonekta sa isla ng Samar at Leyte.
Ito ay proyekto ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
- Latest