10 ‘utak’ sa missing sabungeros, ikinanta – DOJ

MANILA, Philippines — Nasa 10 pangalan ang “ikinanta” ni alyas “Totoy” na umano’y mga utak sa pagdukot at pagpatay sa 34 na nawawalang sabungero.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na kinabibilangan ito ng nag-utos, dumukot at pumatay sa mga biktima. Tumanggi muna si Remulla na magbigay ng kanilang pagkakakilanlan.
Pero ayon kay Totoy, kabilang umano sa mga dumukot at pumatay ay mga pulis.
Ibinunyag ni Totoy na itinapon ang bangkay ng mga biktima sa Taal Lake matapos umanong mandaya sa sabungan.
Naniniwala naman si Remulla na hindi lamang 34 ang biktima at sa halip ay posibleng umabot pa ito sa 100.
Ani Remulla, bago pa man mag-eleksiyon, nakausap na rin niya ang naturang whistleblower na isa sa akusado sa krimen.
Sa ngayon, inihahanda na ang paghahanap sa mga labi ng mga sabungero na sinasabing itinapon umano sa Taal Lake sa Batangas.
Matatandaang ibinunyag ni Totoy na pinatay ang mga sabungero sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang alambre. Hindi rin umano basta itinapon dahil maingat na itinali, isinakay sa van, at ipinaubaya sa isang grupong hindi pa niya pinapangalanan.
Lumilitaw na hindi lang sabungero ang mga biktima, kundi maging mga drug lord ang nakalibing sa parehong lugar.
- Latest