Huwag mag-panic buying sa Super El Niño - Palasyo

MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Malacañang ang publiko na huwag mag-panic at mag-imbak nang sobra-sobra ng tubig sa harap ng banta ng posibleng Super El Niño, kasabay ng pagtitiyak na nakahanda ang pamahalaan upang mabawasan ang epekto nito.
Ang pahayag ay kasunod ng mga ulat sa social media tungkol sa umano’y pagho-hoard ng mga lalagyan ng tubig at inuming tubig.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, hindi kailangang mag-imbak ng tubig para sa pag-inom dahil hindi naman mawawalan ng suplay ng maiinom na tubig ang publiko. Aniya, may itinakdang panahon din ng pagkonsumo ang mga nakaboteng tubig kaya hindi praktikal ang labis na pag-iimbak nito.
Dagdag pa niya, wala ring pakinabang ang pag-iipon ng tubig nang napakaaga kung hindi pa nararanasan ang tagtuyot, dahil magagamit at mauubos din ito sa paglipas ng panahon. Aniya, mahalagang gawin ang paghahanda sa tamang panahon.
Sinabi rin ni Castro na personal na binabantayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama ang Task Force El Niño, ang mga paghahanda ng gobyerno laban sa inaasahang epekto ng tagtuyot.
Binigyang-diin ni Castro na hindi panic ang kailangan ng publiko kundi tamang paghahanda at kahandaan. Aniya, patuloy na ipinapaalala ng Pangulo na totoo ang climate change at nararamdaman na ang mga epekto nito sa bansa.
Hindi naman masiguro ni Castro kung hindi magkakaroon ng water crisis gaya ng naranasan noong 2019. Sa ngayon ay wala pa aniyang ulat na natatanggap ang pamahalaan hinggil sa kakulangan ng suplay ng inuming tubig.
- Latest





















