Lito Lapid may maipagmamalaki ng batas
MANILA, Philippines - Kahit na hindi nakikisali sa debatihan sa plenaryo at madalas ay nagpapa-check lamang ng attendance bago tumakas sa session hall, may maipagmalaki ng batas si Senator Lito Lapid matapos niyang isulong ang Free Legal Assistance Act of 2010 na nakatakda ng lagdaan ni Pangulong Gloria Arroyo.
Ang nasabing panukala ay pinagtibay na ng dalawang kapulungan ng Kongreso at naipasa na sa Malacanang upang maging ganap na batas.
Makikinabang sa nasabing panukala ni Lapid ang mga mahihirap na mamamayan na nagkakaroon ng kaso at walang pera upang kumuha ng abogado.
Ayon kay Lapid, sa dami ng mga mahihirap na nagkakaroon ng kaso, hindi kakayanin ng Public Attorney’s Office na pagsilbihan lahat ang mga ito.
Naniniwala si Lapid na sasamantalahin ng mga pribadong abogado ang kaniyang panukala at magbibigay sila ng libreng serbisyo upang mabawasan naman ang buwis na kanilang dapat bayaran sa gobyerno.
Sa sandaling malagdaan ng Pangulo ang panukala ni Lapid, ang mga abogado na magbibigay ng libreng serbisyo sa mahihirap ay makaka libre rin naman ng mula P10,000 hanggang P30,000 sa babayaran nilang tax sa loob ng isang taon.
Aabot naman sa P50,000 ang magiging tax credit ng abogado sa sandaling natapos nitong maipagtanggol sa korte ang kaniyang mahirap na kliyente. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending