PNP gagamit ng AI-powered body cameras
MANILA, Philippines — Ipinahayag ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na naghahanda na sila sa paggamit ng mga bagong AI-enabled body-worn cameras na layong mapahusay ang dokumentasyon, pangangalaga ng ebidensiya at accountability sa mga operasyon ng pulisya.
Ayon kay Nartatez, sa makabagong teknolohiya inaasahan ang mas malinaw at maaasahang video record ng mga police encounter at operasyon. Makakatulong umano ito sa pagpreserba ng ebidensiya at pagsasagawa ng mga imbestigasyon.
Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations para sa panukalang budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na planong bumili ng PNP ng 10,000 hanggang 20,000 AI-enabled body cameras ngayong taon. Nai-bid na umano ang procurement at nakatakda pang dagdagan ang mga unit taun-taon.
Inaasahang mas mahusay ang lens at image quality ng mga bagong camera upang maging angkop sa AI processing.
Ani Nartatez, mapoprotektahan din ng teknolohiya ang mga pulis at publiko dahil magkakaroon ng objective record ng mga nagaganap sa bawat police encounter.
Tiniyak ni Nartatez na gagamitin ang teknolohiya upang higit pang mapalakas ang transparency at accountability sa mga operasyon ng pulisya.
- Latest




















