Palasyo: Proyekto ng Pangulo ‘wag isabotahe!

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Malacañang na mananagot ang mga nasa likod ng pagnanakaw ng mga piyesa sa mga pumping stations na ginagamit laban sa pagbaha.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, naapektuhan ang operasyon ng mga pumping stations dahil sa pagkawala ng mga mahahalagang components.
Inatasan na ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang ahensiya na sugpuin ang pagnanakaw.
Giit ni Castro, nakakalungkot na habang ginagawa ng Pangulo at mga ahensiya ang lahat ng paraan para maibsan ang baha, may mga taong sumisira sa mga proyekto.
Ipinagmamalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naipaayos at gumagana na ang pumping stations, dahilan kung bakit mabilis bumababa ang tubig kahit sa malakas na ulan.
Subalit dahil sa pagnanakaw ng piyesa, tumitigil ang operasyon ng mga istasyon at kailangan pang gumastos muli para sa replacement. Kapag hindi naibalik, magdudulot ito ng mabagal na paghupa ng baha sa Metro Manila.
“Huwag ninyong isabotahe ang mga proyekto ng Pangulo. Magtulungan po tayo, lahat tayo ay Filipino, maging mabuting Filipino po tayong lahat,” ani Castro.
Dagdag pa niya, hahabulin ng batas ang mga gumagawa ng paninira at pananabotahe dahil buhay at kabuhayan ang nakataya sa kanilang makasariling gawain.
- Latest




















