Hospital transfer ni Romualdez, tinabla ng Sandiganbayan

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang mosyon ni dating House Speaker Martin Romualdez na mailipat sa isang government hospital sa Quezon City.
Sa mosyon na inihain noong Setyembre 14, hiniling ni Romualdez na ipagpaliban ang kautusan na ilipat siya mula UP-PGH patungong Quezon City Jail, at sa halip ay dalhin sa isang ospital ng pamahalaan.
Batay sa pahayag ni PGH Medical Director Dr. Gerardo Legaspi, si Romualdez ay clinically stable at hindi na kailangan pang ma-confine. Giit ni Associate Justice Karl Miranda, walang “imperative necessity” para mailipat siya sa tertiary hospital.
“Any invocation of ill health is not sufficient for an accused’s continued confinement at a hospital,” ani Miranda.
Tinukoy rin ng korte na hindi obligadong sundin ng BJMP ang lahat ng kondisyon na hinihingi ng akusado. Sagot ito sa pahayag ng abogado ni Romualdez na si Jose Roy na kulang ang pasilidad sa Payatas jail, gaya ng ECG machine.
Ayon kay Miranda, may kakayahan ang BJMP na i-monitor ang kalagayan ni Romualdez at dalhin siya sa ospital kung kinakailangan.
Tinanggap ng kampo ni Romualdez ang desisyon ngunit iginiit na gagamit pa sila ng iba pang legal na remedyo. Nakatakda rin silang maghain ng bail petition para sa kasong P7.4 bilyong plunder.
Si Romualdez ay kasalukuyang nakakulong sa New QC Male Dormitory sa Payatas kaugnay ng kasong P7.4 bilyong plunder na isinampa laban sa kanya ng Office of the Ombudsman.
- Latest























