SC pinagkokomento petitioners sa NCR wage hike

MANILA, Philippines — Inatasan ng Supreme Court (SC) ang mga respondent na magsumite ng komento sa petisyon na humihiling na ipawalang-bisa ang mga kautusan kaugnay ng P85 umento sa sahod sa Metro Manila, kabilang ang temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Pasig City Regional Trial Court (RTC).
Batay sa press briefer nitong Agosto 28, pinagkokomento ng mataas na hukuman ang Readycon Trading and Construction Corporation, R-II Builders, Inc., at ang Alliance of Philippine Fishing Federations, Inc. sa loob ng 10 araw mula nang matanggap ang abiso.
Kasabay nito, iniutos din ng SC na magsumite ng komento kaugnay ng petition for certiorari and prohibition ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board–NCR (RTWPB–NCR) at ang National Wages and Productivity Commission (NWPC), na parehong inutusan ng Pasig RTC na itigil ang pagpapatupad ng wage hike.
Ayon sa Kamanggagawa party-list, na nagsampa ng petisyon, malinaw sa Article 126 ng Labor Code na ipinagbabawal sa anumang hukuman ang paglalabas ng TRO laban sa isang wage order.
- Latest


























