Mancao state witness na - DOJ
MANILA, Philippines – Itinuturing na ng pamahalaan na state witness si dating Police Senior Supt. Cezar Mancao II sa Dacer-Corbito double murder case.
Ito ay matapos na aprubahan ng Department of Justice (DOJ) ang aplikasyon ni Mancao na maisailalim siya sa Witness Protection Program (WPP) ng gobyerno.
Ayon kay Justice Secretary Agnes Devana dera, nakapasa sa mga criteria para sa WPP si Mancao kabilang na dito ang kahalagahan ng mga ibubulgar nitong testimonya kaugnay sa kaso nang pagdukot at pagpatay sa dating PR man na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Manuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Dahil dito kayat natapos na rin ang isyu sa pananatili nito sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) at hindi sa detention cell ng Manila City Jail (MCJ).
Ayon kay Devanadera, hindi maaaring ilipat si Mancao sa MCJ, tulad ng kahilingan ni Atty. Dante David, na abogado ng iba pang akusado sa krimen, dahil hindi umano ordinaryo ang banta sa buhay nito.
Magugunita na naghain ng mosyon si David sa sala ni Manila Regional Trial Court branch 18 Judge Myra Garcia-Fernandez upang hilingin na mailipat si Mancao sa MCJ at tratuhin bilang ordinaryong “inmate”.
Nilinaw nito na hindi pa testigo ng pamahalaan si Mancao kaya tulad ng ibang kapwa akusado nito sa krimen ay dapat na sa MCJ din ito ikulong.
Kaugnay nito, naghain na ng not guilty plea si Mancao sa sala ni Manila Regional Trial Court Judge Myra Garcia-Fernandez bilang akusado sa Dacer-Corbito double murder case.
Itinakda ang pre-trial sa darating na Agosto 13, alas-2 ng hapon. (Gemma Amargo-Garcia/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending