Para sa 2010: Arroyo at Villar nagpulong sa abroad?
MANILA, Philippines – Lihim umanong nagpu long sina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Senador Manny Villar habang kapwa sila nasa ibang bansa para pag-usapan ang halalan sa 2010.
Ito ang sinasabi ng isang impormante na nagsabi pa na naghahanap ng kakampi si Villar dahil malabong iendorso siya ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Kasalukuyang nasa Spain si Villar pero nilinaw ng kanyang tanggapan na naroon ang mambabatas para makipag-usap sa mga overseas Filipino worker.
Ipinalabas ng kanyang tanggapan ang pahayag para linawing hindi iniiwa san ni Villar ang padinig ng committee of the whole ng Senado sa reklamo laban sa kanya ni Sen. Jamby Madrigal hinggil sa double insertion sa budget ng C-5 road project.
Kinumpirma naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na humingi ng permiso sa kanya si Villar para sa pagbiyahe nito sa Spain at sa Mayo 10 pa ito babalik sa bansa.
Pero hindi naman sinagot ng kampo ni Villar ang napabalitang lihim na pakikipagkita niya sa Pangulo.
Mariin namang pinabulaanan ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo na lihim na makikipagkita ang Pangulo kay Villar.
Idiniin ni Fajardo na sa Egypt at Syria lang ang lakad ng Pangulo at wala sa iskedyul nito ang Spain.
Ayon kay Fajardo, uuwi sa bansa si Pangulong Arroyo bukas, Mayo 6. (Malou Escudero at Rudy Andal)
- Latest
- Trending

















