P6-M ransom hingi ng kidnappers ng 3 guro
Humingi na ng P6 milyong ransom ang mga kidnaper ng tatlong guro kapalit ng pagpapalaya sa mga biktima na binihag nitong Biyernes sa karagatan ng Zamboanga City.
Batay sa report, pinahintulutan rin ng mga kidnaper ang mga hostages para tawagan ang kani lang pamilya para makalikom ng nasabing halaga o tig-P2-M ang bawat isa sa mga ito.
“Mahirap lang kami hindi naming makakayang magbayad ng ganyang kalaking ransom, saan naman kukunin yun ng aming mga pamilya, maawa na sila pakawalan na nila (hostages ),” pahayag ng kapatid na lalaki ng isa sa mga biktima sa isang radio interview.
Matatandaan na patungo sa Sacol Island ang mga guro na sina Rafael Mayondana, Quizon Freires at Jannette delos Reyes ng harangin ng limang armadong lalaki ang bangkang sinasakyan ng mga ito kung saan ang mga bihag ay dinala sa lalawigan ng Basilan.
Wala pang grupong umaako sa pagdukot sa mga biktima, pero ang Basilan ay kapwa balwarte ng mga bandidong Abu Sayyaf Group at pasaway na grupo ng MILF.
Sinabi naman ni AFP-PIO Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr. na bineberipika pa nila ang nasabing ransom demand.
Samantala, bibigyan ng security escort ng tropa ng militar at pulisya ang mga guro sa Zamboanga City na pinagbabantaan ring kidnapin ng mga armadong rebeldeng Muslim na namumugad sa Western Mindanao.
Ayon kay Police Regional Office 9 (Western Mindanao) Public Information Office (PIO) Chief Sr. Supt. Bayani Gucela, naalarma ang mga guro at kawani ng DepEd sa kanilang pagpunta sa mga island-barangay kaya nagpasya ang komite na bigyan ang mga ito ng escort.
Nabatid na 10 ang sibilyang sakay ng bangka subali’t tanging ang tatlong guro lamang ang binihag matapos mabatid na mga Muslim ang pito sa mga ito. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending