Pinoys sa Europe apektado ng lay off
Nagbabala si Labor Secretary Marianito Roque ng posibilidad na magkaroon ng lay off o pagtatanggal sa trabaho sa hanay ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Europa dahil sa patuloy na krisis pang-ekonomiya na nararanasan ng buong mundo..
Sa pagtaya ng kalihim, pinaka-maaapektuhan ng lay off ang mga Pinoy hotel worker sa nasabing bansa.
Ang hindi lamang umano maaapektuhan nito ay ang mga Pinoy household at health care workers na nananatili pa ring in-demand.
Sa kabila naman ng posi bilidad ng pagkakaroon ng lay-off ay nagpahayag na umano kay Roque ang mga OFW sa Europe na wala silang planong bumalik ng Pilipinas sa halip ay maghahanap na lamang ng ibang trabaho sa nasabing kontinente.
Dagdag pa ni Roque na sakali mang matuloy ang lay-off ay nakahanda ang Department of Labor and Employment (DOLE )para tulungan ang mga maaapektuhang OFW.
Nakaalerto na rin aniya ang kanilang mga labor attache sa bawat embahada roon at patuloy ang kanilang monitoring.
Samantala, bukod sa mga OFW sa Europa posibleng magkaroon din ng lay-off sa mga Pinoy seafarers sa unang buwan ng susunod na taon base sa pagtataya ng International Migration Organization (IMO).
Inaasahan naman ng IMO na sa pagtatapos ng taong 2009 ay huhupa na ang problema sa deployment ng seafarers. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending



















