Thelma (56)
NAG-INGAT na si Thelma mula noon. Kapag gumagamit ng comfort room ay nakikiramdam kung mayroong mga kahina-hinalang kaluskos sa labas. Wala naman siyang naririnig. Hindi agad-agad siyang nagbababa ng panty kapag umiihi at baka mayroong nakatutok. Pero wala siyang napapakiramdaman o kaya’y napapansing kakaiba. Ininspeksiyon ni Thelma ang butas sa pader na nakita niya noon. Wala na ang butas. Sinemento na. Matigas na ang semento. Nagbago na nga yata si Mang Caloy. Kinokontrol na nito ang sarili.
Mula rin noon ay hindi na ito gaanong nakikipag-usap kay Thelma. Siguro ay para maipakita na nagsisisi na sa ginawa. Madalas na makita niyang nakasubsob si Mang Caloy sa pagkukuwenta. Kapag humihingi siya ng ipangsusukli ay wala siyang naririnig dito. Abot lang nang abot sa kanya ng pera.
Sa uwian sa hapon ay nagpapaalam siya kay Mang Caloy pero hindi rin nagsasalita. Tumatango lang ito. Ganun lang. Para pang umiiwas. Siguro’y natatakot sa kanya. Nangingilag.
Pero makaraan ang isang buwan, may nangyari. Isang hapon na uuwi na siya ay nagulat si Thelma nang may sabihin sa kanya si Mang Caloy. Seryoso ang matanda. Hindi ito umaalis sa pagkakaupo. Tuluy-tuloy ang ginawa nitong pagsasalita.
“Thelma, ano kaya at ligawan kita. Pareho naman tayo wala nang asawa. Para nagkakatulungan tayo. Ako naman ay matagal nang may gusto sa’yo. Kasi nahihirapan na ako sa ganitong sitwasyon na hindi ako makapagbiro sa’yo. Parang mahirap magtrabaho na hindi tayo nag-uusap. Hindi naman ako makagawa ng hakbang at iniisip ko na galit ka pa sa akin…”
Walang maisagot si Thelma. Ano ba itong sinasabi ng matandang ito at liligawan siya. Gusto siyang maging asawa. Pareho raw naman silang walang asawa. Para raw makapagtulungan sila.
“Ano Thelma? Ako naman ay may ibubuga pa. Aktibo pa ako. Hindi ako katulad ng ibang matanda diyan na kuluntoy na.”
Napabuntunghininga si Thelma. Naalala niya ang anak na si Trev. Gusto niyang mabigyan ito ng magandang kinabukasan. Gusto niyang mapag-aral sa magandang eskuwelahan. Marami siyang pa-ngarap para kay Trev.
“Liligawan kita Thelma. Sige na. Hindi ka magsisisi dahil may kabuhayan din naman ako at marami pa akong maibibigay sa’yo…”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending