La Viuda (55)
NANLISIK ang mga mata ni Donya Presentacion matapos sabihin ng kanyang kanang kamay na si Mang Teban na posibleng nakabalik na si Andres. Pinatawag niya ang isa sa mga tauhan niya na si Lucio.
“Lucio, gisingin mo lahat ng mga trabahador ng hacienda! Sabihin mo na may kailangan silang hanapin na magnanakaw bago pa ito makatakas!”
Narinig ni Ernesto ang utos. Agad siyang bumalik sa kanyang kuwarto kung saan niya itinago si Andres. Sa loob ng silid, sumilip siya sa bintana. Nakita niya na nagtipun-tipon na ang mga trabahador sa hacienda, may mga dala itong mga sulo. Naisip niya na habang ginagalugad ng mga ito ang buong hacienda, magkakaroon siya ng oras para maitago sa ibang lugar si Andres.
“Saan ko siya puwedeng itago?” natatarantang tanong sa sarili habang nakatingin sa nakagapos na si Andres.
Sa upuang kahoy sa sulok, nagsimulang gumaralgal ang lalamunan ni Andres. Nandidilat ang mga mata nito habang pilit na pumipiglas ang kanyang mga braso sa lubid.
“Tahimik, Andres... pakiusap...” pakiusap ni Ernesto.
Dahil patuloy ito sa paggawa ng ingay, kumuha siya ng panyo at ginamit ito para takpan ang bibig ni Andres. Akala niya ay mayroon pa siyang oras para itakas si Andres nang marinig niya ang papalapit na yabag ng mga paa ng kanyang ina at ni Mang Teban. Nag-uusap ang mga ito.
“May naririnig akong ingay mula sa kuwarto ni Ernesto, may hinala ako na naroon ang hinahanap natin,” sabi ni Mang Teban sa donya.
Pinagpawisan si Ernesto dahil hindi na niya alam ang gagawin. Buti na lamang at napadaan sa harap ng kanyang silid ang isa sa mga kasambahay, si Hulyana. Bunsong anak ito ng mayordoma ng mansyon na si Aling Sely. Rumoronda ito sa buong mansyon tuwing gabi upang tiyakin na walang naiiwang nakasinding mga kandila sa mga altar ng poon sa mga silid.
“Hulyana, nakikiusap ako, kailangan ko ng tulong mo.”
Hindi na tinanong ni Hulyana kung anong tulong ang kailangan ng senyorito. Basta lang ito tumango at pumasok sa kuwarto ng binata.
Maya-maya, narinig nila ang katok at tawag ng Donya.
“Ernesto! Gising ka pa ba?”
Sumandal si Ernesto sa likod ng pinto. Hindi agad siya sumagot Matapos ang ilang segundo ay sumagot siya ngunit hindi niya tuluyang binuksan ang pinto, maliit na awang lamang na sapat para masilip ang labas.
“Ano po ‘yun?” tanong ni Ernesto habang nagpapanggap na humihikab.
Itutuloy
- Latest





















