La Viuda (57)
“DIYOS ko, Ernesto!” nandidiring sabi ni Donya Presentacion habang nandidilat ang mga mata sa anak. “Pati ba naman ang anak ng mayordoma?! Lahat na lang ba ng nakasuot ng palda sa haciendang ito ay papatusin mo?”
“Sabi ko naman kasi sa inyo na huwag kayong papasok,” sagot ni Ernesto habang pilit na iniharang ang sarili sa kama.
Napaatras ang donya, hindi makapaniwala sa “kahihiyang” nakita sa gitna ng gabi. “Wala kang kaparis! Nagkakagulo ang buong hacienda, tapos narito ka at gumagawa ng kalaswaan!”
Sa matinding inis sa eskandalong nasaksihan, mabilis na tinalikuran ng Donya at ni Mang Teban ang silid at ibinalibag ang pinto. Nang marinig ang papalayong mga yabag sa pasilyo, napahinga nang malalim si Ernesto. Agad na bumangon si Hulyana sa kama—suot pa rin pala nito ang buong damit sa ilalim ng kumot—habang si Ernesto naman ay mabilis na isinuot muli ang kamiseta at pantalon. Sa loob ng ilang segundong pagkaantala ng donya sa pinto kanina, naging mabilis ang kanilang pagkakaunawaan upang buuin ang pekeng eksena.
Dahan-dahang lumuhod si Ernesto sa gilid ng kama at itinaas ang nakalaylay na tela ng kubrekama. Sa ilalim ng kama, naroon si Andres, nakadapa sa sahig, nakagapos ang mga kamay at paa, at nananatiling wala sa katinuan habang nakakabit pa rin ang rosaryo sa leeg.
“Salamat, Hulyana,” sabi ni Ernesto.
“Walang anuman, Señorito,” sagot ng dalaga.
Pero bago umalis si Hulyana sa kuwarto ni Ernesto, napahinto siya sa gilid ng kama. Napatingin ang dalaga sa ilalim kung saan naroon ang nakagapos na si Andres.
Inilapit ni Hulyana ang kanyang mukha at bahagyang inamoy ang hangin sa ilalim. “Senyorito Ernesto, manggagamot at magtatawas ang lolo ko sa Baryo San Isidro. Pamilyar sa akin ang amoy na nanggagaling sa lalaking kamukha ni Senyorito Emilio.”
Napatingin si Ernesto sa dalaga, nagtataka. “Anong ibig mong sabihin?”
Itutuloy
- Latest
















