La Viuda (50)
SA loob ng madilim na selda, kumukulo ang isang malaking palayok na may maitim na likido. Habang umuusok at kumakalat ang maasim na amoy nito, inilabas ni Mang Teban ang punit at duguang damit ni Andres na naiwan nito. Pabulong na binibigkas ng matandang manggagaway ang isang orasyon na hindi maiintindihan ninoman.
Pagkatapos ay binigkas niya nang buo ang pangalan ni Andres.
“Andres Marasol Valderrama, babalik ka rito gamit ang sarili mong mga paa!” At saka dahan-dahang inilubog ang damit sa kumukulong itim na likido. Biglang lumakas ang apoy ng kandila sa paligid, kasabay ng paglutang ng mabigat at nakasasakal na hangin sa buong silid.
Samantala, sa gilid ng madilim na kalsada, mabilis ang lakad nina Andres, Kristina, at Aling Pacing patungo sa pinakamalapit na tigilan ng bus. Bahagyang malamig ang hangin ng hatinggabi, ngunit sa bawat hakbang ni Andres, nararamdaman niya ang isang kakaibang kirot sa kanyang ulo, parang may matalim na karayom na dahan-dahang itinutusok sa kanyang utak. Hinilot niya ang kanyang sentido at pilit siyang ngumiti nang lumingon si Kristina sa kanya.
Ayaw niyang mag-alala ang dalawa. Alam niyang mawawala rin ang kirot nito habang nagpapahinga siya sa biyahe.
Bus na patungong Maynila ang kanilang hinihintay dahil utos ni Ernesto ay doon sila dumiretso. Pinangako ni Ernesto na susunod ito sa madaling panahon.
Nang huminto ang isang bus, agad humakbang si Aling Pacing para sumampa. Sumunod si Kristina. Ngunit bago pa man makasakay si Andres... Blag! Biglang napaluhod si Andres at marahas na nanginig ang buong katawan. Nagsimula siyang kombulsyunin, nakatirik ang mga mata habang lumalabas ang mahinang bula sa bibig.
“Andres! Diyos ko, Andres!” tarantang sigaw ni Kristina habang mabilis na lumuluhod sa tabi ng binata kasama si Aling Pacing. “Anong nangyayari sa ‘yo?!”
Pagkalipas ng limang segundo ng matinding panginginig, biglang tumigil ang lahat na tila umaarte lang ito. Dahan-dahang tumayo si Andres. Nawala ang panghihina sa kanyang mga binti. Naging matuwid ang kanyang tindig at ang kanyang mga mata ay naging ganap na malamig at walang buhay.
Itutuloy
- Latest




















