Barko lumubog: 10 Tripulante nasagip, 5 missing
MANILA, Philippines — Sampung tripulante ang nasagip habang lima pa ang nawawala makaraang lumubog ang kanilang sinasakyang cargo vessel sa karagatang sakop ng Northern Samar nitong Lunes ng hapon.
Sa report ng Philippine Coast Guard (PCG) Northern Samar, bandang alas-2:30 ng hapon nang aksidenteng lumubog ang M/V Jerlyn Khatness na puno ng kargang semento sa karagatan ng Brgy. Balicuatro, Lavezares ng lalawigang ito.
Ang nasabing barko ay galing Naga City, Cebu at patungo sa San Jose, Northern Samar nang balyahin ito ng malalakas na alon dulot ng hindi magandang kondisyon sa karagatan bunga ng masungit na panahon.
Bunga nito, pinasok ng tubig ang cargo vessel na siyang dahilan ng paglubog nito.
Nang matanggap naman ang distress call, mabilis na sumaklolo ang PCG kasama ang iba pang rescue team ng nasabing bayan at nasagip ang 10 sa mga tripulante ng barko habang patuloy na pinaghahanap ang lima pa.
- Latest