Dahil sa nakakabulahaw na videoke...Magkapatid pinagsasaksak ng kapitbahay, 1 tepok
CAVITE, Philippines — Dahil sa malakas na pagkanta at pagpapatugtog ng videoke, patay ang isang lalaki habang kritikal ang kapatid nito makaraang pagsasaksakin ng galit na kapitbahay, kamakalawa ng gabi sa loob ng isang subdivision sa Brgy. Santiago, General Trias City.
Kinilala ang nasawi na si James Bryan Luna, 34 anyos, ng LRTA Subdivision, Brgy. Santiago ng nasabing lungsod habang inoobserbahan sa ospital ang kapatid nitong si Aldrin Toribio, 19, ng Malagasang, Imus City, Cavite.
Tumakas naman ang suspek na si alyas “Johnson”, miyembro ng Bantay Bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-11 ng gabi habang nag-iinuman at nagkakantahan sa videoke ang mga biktima kasama ang iba pang kamag-anak nang biglang sumugod ang nairitang kapitbahay.
Dahil sa hatinggabi na at nakakaistorbo ang tugtog sa pagtulog, sinaway ng suspek ang mga biktima pero imbes na makinig ay sinugod pa diumano nila ang una kaya nauwi ito sa suntukan.
Dito na nakadampot ng patalim ang suspek at hinalihaw ng mga saksak ang magkapatid na duguang humandusay saka mabilis na tumakas bitbit ang patalim na ginamit sa krimen.
Kapwa itinakbo sa pagamutan ang magkapatid subalit idineklarang patay ang isa dahil sa tinamong saksak sa katawan.
- Latest