SEA Games gold medalist pinagsasaksak, todas!
Nakipag-inuman sa kaibigang kagawad
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang Pinoy athlete na nag-uwi ng mga karangalan sa bansa kabilang ang pagiging gold medalist ng South East Asean (SEA) Games matapos na katayin habang natutulog ng ‘di pa kilalang salarin kahapon ng madaling araw sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Naisugod pa sa Sta. Maria Village Hospital si Mervin Maligo Guarte, 33, miyembro ng Philippine Air Force na nakatalaga sa Fernando Airbase sa Lipa City, bago inilipat sa Mindoro
Medical Center kung saan siya idineklarang patay dahil sa mga saksak ng patalim sa dibdib.
Batay sa report, sinabi ni Calapan City Police chief PLt. Col. Roden Fulache, nangyari ang krimen bandang alas-4:30 ng madaling araw sa bahay ng kaibigan ng biktima na si Barangay Kagawad Dante Abel sa Sitio Pinagkaisahan, Barangay Camilmil, Calapan City.
Natutulog umano si Guarte sa sala ng bahay ni Abel nang saksakin sa dibdib ng hindi pa kikilalang salarin.
Si Guarte ay gold medalist noong 2023 SEA Games para sa men’s team relay, 2019 SEA Games gold medalist para sa men’s 5km, 2011 SEA Games silver medalist para sa men’s 800m and 1500m, at 2024 Spartan Asia Pacific champion sa men’s beast 21 km.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na dumayo lamang ang biktima sa lugar at nakipag-inuman mula Lunes ng gabi hanggang alas-tres ng madaling-araw kahapon.
Ayon kay Fulache, inaalam na nila kung sinu-sino ang mga nakainuman ng biktima para matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen.
Narekober ng mga imbestigador sa lugar ang kutsilyo na ginamit sa pagpatay kay Guarte.
Kinondena naman ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito “Bonz” Dolor ang pagpatay kay Guarte kasabay ng panawagan ng katarungan at inatasan niya si Oriental Mindoro police chief PCol. Edison Revita na agad resolbahin ang krimen.
- Latest