3 pulis-Cavite tumanggap ng ‘Medalya ng Papuri’
CAVITE, Philippines — Pinangunahan ni Cavite Police Provincial Office director P/Col. Dwight Alegre ang isinagawang paggawad ng parangal para sa tatlong magigiting na pulis-Cavite na nagpakita ng kanilang katapangan at makabuluhang kontribusyon bilang isang alagad ng batas.
Kinilala ang tatlo na sina Police Lt. Col. Joven T. Bahil, PSMS Roland A. Lucero at Patrolman Joemar B. Felix, pawang nakalataga sa Cavite Provincial Mobile Force Company (PMFC) na kapwa tumanggap ng “Medalya ng Papuri”.
Isinabay ang nasabing Gawad Karangalan sa unang Monday Flag Ceremony sa Cavite Provincial Office sa Imus City kung saan naging panauhing pandangal dito si Director II Jefrey C. Cruz, Provincial Director ng Civil Service Commission at sa ika-31st PNP Ethics Day Celebration na may temang “Serbisyong may Integridad at Pananagutan Tungo sa Ligtas at Mapayapang Pilipinas”.
Sa kanyang talumpati, nag-iwan naman ng makabuluhang mensahe si CSC Director II Cruz para sa mga pulis.
“Ang pagdiriwang ng 31st PNP Ethics Day ay paggunita sa ating pangako sa etikal na serbisyo sa pag-sasabuhay ng integridad, propesyonalismo, at pakikilahok sa komunidad. Hindi lamang natin pinapangaralan ang legacy ng PNP, kundi nagiging inspirasyon din tayo para sa mas ligtas at mapayapang Pilipinas,” pahayag ni Cruz.
- Latest