Alok ng areglo, maaring ipagpalagay na pag-amin sa krimen
Dear Attorney,
Kinasuhan po ako ng pagnanakaw ng dating kompanya na pinapasukan ko. Nang malaman po ng mga magulang ko ang demanda sa akin ay nag-alala sila sa magiging epekto nito sa kasalukuyang trabaho ko pinayuhan nila akong aregluhin na lang ang kaso at sila na ang sasagot ng anumang halaga na diumano’y ninakaw ko. May nakapagpayo namang kaibigan sa akin na huwag na huwag akong makikipag-areglo dahil maaring gamiting pruweba laban sa akin ang pakikipag-kompromiso ko. Ano po ba ang tamang gagawin? Wala po akong kasalanan ngunit gusto ko na rin naman pong matapos na ang kaso ko sa madaling panahon. -- Larry
Dear Larry,
May punto ang kaibigan mo. Nakasaad kasi sa Section 27, Rule 130 ng Revised Rules on Criminal Procedure na hindi katulad ng mga kasong sibil, ang pag-alok ng kompromiso sa isang kasong kriminal ay maaring ipagpalagay bilang pag-amin ng akusado sa krimen na iniaakusa sa kanya. Ito’y kahit hindi pa mismong ang akusado ang mag-alok ng kompromiso; ayon sa Korte Suprema sa kaso ng People v. Dominador Manzano (GR L-38449, 25 November 1982) ang pag-alok ng kompromiso ng mga magulang ng isang akusado ay ipagpapalagay pa rin ng batas bilang pag-amin ng mismong akusado sa kanyang pagkakasala.
Kaya tama ang kaibigan mo sa payo niya sa iyo. Maaring gamitin ang pag-aalok n’yo ng kompromiso bilang pag-amin mo sa krimeng inaakusa sa iyo kaya kailangan n’yong pag-isipang mabuti ang pakikipag-areglo. Kung makikipag-areglo kayo, siguraduhin n’yong iuurong ng kompanya ang kasong kriminal laban sa iyo.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.
- Latest