Mabisa nga ba ang hand sanitizer?
ISANG nakakaluwag na kagamitang panlinis ang hand sanitizer bilang panlaban sa mga mikrobyong maaaring kumapit sa ating mga kamay sa paghawak sa ilang mga bagay na marumi o may mga organismong maaaring magdulot ng sakit. Tinatawag din itong hand antiseptic, hand disinfectant o hand rub na alternatibo kung walang tubig at sabon na magagamit sa paghuhugas ng kamay.
Merong hand sanitizer na alcohol-based at non-alcohol based at may mga klaseng likido, gel at foam. Sinasabing higit na epektibo ito sa pagpatay ng microorganisms kumpara sa tubig at sabon.
Pero epektibo nga ba talaga ang hand sanitizer? Magkakaiba umano ang epekto nito pero ginagamit ito bilang simpleng paraan ng infection control sa iba’t ibang sitwasyon o lugar tulad ng day care center, eskuwelahan, ospital, klinika, supermarket at kahit sa mga barko. Mainam din itong gamitin pagkatapos gumamit ng kubeta. Depende rin sa maraming bagay ang epekto nito tulad ng paraan ng paggamit nito (dami, dalas at exposure) at kung epektibo itong panlaban sa infectious agents na nasa kamay.
Pero sa isang eksperimentong pag-aaral na nalathala sa journal na mSphere at iniulat ng Reuters kamakailan, sinasabing ang mga health worker na gumagamit ng hand sanitizer sa pagitan ng mga pasyente ay mas malamang makapagkalat ng flu germs kaysa sa mga naghuhugas ng kanilang kamay.
Katwiran ng mga researcher, ang fresh mucus na nagmula sa infected patients ay humarang sa abilidad ng alkohol ng hand sanitizer na umabot sa concentration na kailangan para ma-deactive ang flu virus.
Ayon kay Dr. Ryohei Hirose, infectious disease researcher ng Kyoto Prefectural University of Medicine sa Japan na nanguna sa pag-aaral, naipakita nila na ang flu virus sa wet mucus mula sa infected patient ay hindi nawasak pagkaraan ng dalawang minutong exposure sa sanitizer. Tumagal nang apat na minute bago ganap na mamatay ang virus. Mas matagal kumpara sa 30 segundong nagagawa ng paghuhugas ng kamay. Nananatili pa rin sa mga kamay at daliri ang active flu virus. Sa paghuhugas naman ng kamay, mabilis na napapatay ang flu virus.
Konklusyon ng pag-aaral, mas epektibo ang paghuhugas ng kamay kung merong mucus ang mga kamay dahil hindi naman ito pisikal na natatanggal ng alcohol-based sanitizer.
Sinabi ni Elaine Larson, researcher ng Mailman School of Public Health at Columbia University sa New York City, ang paghuhugas ng kamay ang mapipiling paraan ng pisikal na pagtatanggal sa kamay ng anumang bagay.
Email: [email protected]
- Latest