Kulungan o areglo?
MASAMA ang panlasa ng karamihan kapag narinig ang salitang “areglo”. Para sa mga tumataas ang kilay, binayaran, inayos para mapagtakpan ang kasalanan, manahimik ang agrabiyado.
Sa BITAG, lalo’t magkadugo o magkamag-anak, layunin namin agad na magkasundo ang dalawang panig.
Imbes na dumaan pa sa kumplikado at mahabang usapan lalo sa hukuman, umamin ng pagkakamali at humingi ng tawad sa nagawan ng kasalanan.
Kulungan o areglo ang hamon ko sa isang complainant na dumating sa BITAG Action Center nitong Huwebes.
Pinagbibintangan daw siya ng kanyang kapatid na nagnakaw ng mahigit P200,000. Silang dalawa lang daw kasi ng nakababatang kapatid ang may hawak ng susi kung saan itinatago ang kita ng kompanya.
Kinausap ko ang dalawa, ang isa sa telepono habang ang isa ay nasa tanggapan ko. Malinaw ang pagpapaliwanag ng dalawang panig.
Pilit na itinatanggi ng ginang na hindi siya ang nangdekwat sa pera ng kapatid. Sa sama ng loob, ay inireklamo rin niya ang kapatid sa barangay dahil sa pamimintang.
Depensa ng nakababatang kapatid, nabuwisit siya lalo sa inaasal ng kanyang ate. Kaya sinampahan niya ng tuluyan sa korte ng kasong pagnanakaw.
Ayon sa bunso, kahit ang kanyang mister at kanilang mga anak, walang susi ng kuwarto. Kailangan pang magpaalam sa kanyang ate bago ito pumasok ng silid.
Ibig sabihin, ang ginang na nagrereklamo ang tanging malayang maglabas-masok sa silid dahil bilang katiwala sa perang kinikita sa negosyo ng kanyang nakababatang kapatid.
Dagdag pa ng bunso, kung aamin lang daw ang ate niya sa kanyang pagkakasala, handa siyang magpatawad.
Kaso, masyadong mataas ang pilantik ng ihi ng kanyang ate. Imbes na humingi ng patawad ay siya pa ang naunang magreklamo kung kani-kanino pati sa BITAG.
Nagduda ako sa inaasal ng nagrereklamo noong mga oras na ‘yun. Simpleng katanungan, ipa-polygraph o lie detector test ko siya ora mismo kung siya talaga ang nagnakaw ng pera o hindi.
Biglang nag-iba ang ihip ng hangin, nahimasmasan at makikipagkita na lamang daw siya sa kanyang kapatid para makipag-usap. Areglo na lang daw kesa kulong.
Bali-baliktarin man ang mundo, iba pa rin ang relasyon ng magkapatid. Wala kaming pakialam sa isyu ng pagnanakaw o ng nawawalang pera.
Ang punto ko, ‘wag masira ang relasyon ng dalawa bilang magkadugo. Pagpapakumbaba, paghingi ng tawad sa nagawang kasalanan at kapatawaran ang mensahe ko sa dalawa.
Ang pera, madali lang kitain. Ang pagmamahal at tiwala ng isang kapatid, ‘yan ang mahirap tumbasan ng sinuman.
- Latest