Pagkaing masarap pero mapanganib
ISA sa matagal nang nakagawian at nakasanayan natin sa nagdaang maraming siglo ang pagpapalasa sa pagkain lalo na nang matuklasan kung paano ito pasasarapin sa iba’t ibang paraan. Masarap kumain kung napakasarap at malasa ang pagkain. Iba’t ibang klase ng sangkap ang inihahalo sa anumang putahe para sumarap. May mga lasang maalat, mamantikain, matamis, maanghang, maasim halimbawa at may mga pinaghahalong lasa tulad ng matamis na maanghang o maasim na maalat o mamantikain. Merong sobrang maalat at merong sobrang matamis. Merong sobrang maasim at katamtamang anghang. Kung hindi man bilang sangkap, merong sari-saring sawsawan na magkakaiba ang lasa na ginagawa para sumarap ang isang pagkain. Nakakawalang-gana nga namang kumain kapag matabang ang pagkain.
Magkakaiba rin ang pagpapalasa ng mga tao sa pagkain sa iba’t ibang bansa. Sino mang dumadayo sa ibang bansa ay makakaramdam ng paninibago sa mga lokal na pagkain ng dayuhang bayan na kanyang pinuntahan. Tayo naman dito sa Pilipinas, nakasanayan na nating sangkap o pampalasa o pampasarap o sawsawan sa ulam ang mga tulad ng bagoong, patis, suka, sili, toyo, kalamansi, asin, hibi, paminta, asukal, at iba pa.
Kaso nga, batay na rin sa matagal nang pananaliksik at sinasabi ng siyensiya at medisina, nakakasama sa kalusugan ang marami sa mga pampalasang ito kapag sumobra. Nakakapagdulot ng iba’t ibang sakit ang dami at dalas ng pagkain ng mga pagkaing masarap nga pero masyado namang matamis o maalat o maanghang tulad ng sakit sa puso, diabetes, sakit sa bato, alta presyon, rayuma, sakit sa atay, stroke, kanser at iba pa. Kaya nakakadismaya na, kung meron kang karamdaman, babawalan ka na ng doktor na kumain ng mga pagkaing matamis, maalat at mamantika pero halos lahat naman ng pagkain sa kapaligiran natin ay nasasangkapan ng asin o asukal o taba ng baboy.
Naikuwento nga ng isa kong kakilala na, dahil may sakit sa kidney ang kanyang anak, wala nang kalasa-lasa ang mga kinakain nila sa bahay araw-araw dahil nga sa dami ng bawal sa kalusugan nito.
Ito ang isang kahinaan ng tao sa pagsasangkap sa pagkain para ito sumarap pero dumidiskaril naman sa kanyang kalusugan. Kaya nga marahil, tulad ng sinasabi ng mga health expert, maging katamtaman lang sa mga kinakain. Hinay-hinay. Huwag madalas. Huwag sobra. Bawasan kung maaari. Hindi naman sinasabing kumain ng matabang o huwag nang sangkapan ang pagkain. Maghinay-hinay lang sa mga pampalasa.
Email: [email protected]
- Latest