Pangangaliwa ng lalaki sa Kuwait, nabisto dahil sa alagang parrot
ISANG lalaki sa Kuwait ang muntik nang makulong nang mabisto ang kanyang pangangaliwa dahil sa kanyang alagang parrot.
Nabisto ang pakikipagrelasyon ng lalaki sa kanilang kasambahay nang ulit-ulitin ng kanyang alagang parrot ang ilang malalaswang pangungusap.
Nagtaka ang asawa ng lalaki dahil dati naman ay hindi nagsasalita ng ganoon ang kanilang parrot.
Saka natuklasan ng babae ang dahilan ng ikinikilos ng kanilang parrot nang paulit-ulit na nitong sambitin ang mismong pangalan ng kanilang kasambahay.
Noon nagpasya ang babae na isumbong na sa mga pulis ang pambababae ng kanyang asawa.
Isang mabigat na krimen ang adultery sa Kuwait at mahaharap sa pagkakakulong o kaya’y hard labor ang sinumang mapapatunayang nagkasala.
Sa huli ay nakaligtas ang lalaki mula sa pagkakabilanggo dahil hindi tinanggap ng mga kinauukulan ang “salaysay” ng parrot bilang ebidensya.
Hindi raw kasi maituturing na credible witness ang parrot dahil may posibilidad na ginaya lamang nito ang kanyang mga sinasabi mula sa telebisyon o radyo.
Sa kabila nito ay kumbinsido pa rin ang babae na nanga-ngaliwa ang kanyang asawa dahil bukod sa matagal na niyang pinaghihinalaan na may ibang babae ito ay bigla raw nag-iba ang mga kilos at ugali nito matapos mabisto dahil sa kanilang alagang parrot.
- Latest