Manong Wen (232)
HINDI na nakatiis si Mam Violy sa ginagawang pang-e-extort ng lalaki. Nilakasan niya ang loob at lumaban na rito. Kung magpapatalo siya ay lalo siyang kakaya-kayanin ng lalaki.
“Lumalaban ka na ha? Kilala mo ba kung sino ang binabangga mo?’’
“Oo. Kilala ko kayo! Kayo ang mga batugan sa lugar na ito na walang alam kundi ang manghuthot sa mga taong legal na nagtatrabaho. Bakit hindi kayo magtrabaho nang marangal. Mga tamad!’’
“Aba’t ang putsang ito’t mataras na ang bibig!’’ Sabi at akmang susuntukin ng lalaki si Mam Violy.
“Sige, subukan mo. Subukan mo!”
“Makakarating kay Colonel ang ginagawa mo. Tingnan ko kung hindi mamuti ang talampakan mo.”
“Hindi ako natatakot sa inyo at sa Colonel na amo mo. Basta’t nasa katwiran ako, hindi ako nasisindak kahit sino pang Pilato.’’
“Babalikan kita! Humanda ka!”
“Sige gawin mo ang gusto mo! Hindi ako natatakot sa’yo!”
“Masama ang mangyayari sa’yo. Tandaan mo! Masama ang mangyayari sa’yo.”
“Hindi ako natatakot!”
Umalis ang lalaki. Nagmamadali.
Naglapitan kay Mam Violy ang kanyang mga tindera. Pawang takot ang mga ito.
“Mam Violy, tiyak pong babalik iyon at guguluhin tayo,” sabi ng isang tindera.
“Huwag kayong matakot. Wala tayong ginagawang masama kaya hindi tayo dapat matakot.’’
“Baka po barilin tayo! Magsusumbong po yun kay Colonel!’’
Hindi nagsalita si Mam Violy.
Ang lahat ng mga nangyari ay nakita ni Tatang Nado. Gusto na niyang lumapit kanina para makialam pero nagpigil siya. Hindi pa panahon.
(Itutuloy)
- Latest