Manong Wen (225)
KINABUKASAN, maagang umalis sa Makati sina Jo at Tatang Nado. Nagtungo sila sa Paco na tirahan nina Mam Violeta at Noime.
Hindi sila gaanong lumapit sa bahay. Tinanaw lang nila ito. Malapit sa Paco Church ang bahay.
“Yun po ang bahay ni Mama Violeta.’’
“Ang ganda pala.’’
“Naipatayo raw po mula sa pagtitiyaga at pagsisikap.’’
“Puwede bang lumapit pa tayo. Gusto ko lang makita nang malapitan ang bahay.’’
“Sige po. Siguro naman ay hindi tayo makikita. At saka baka wala na sila sa loob. Baka nasa tindahan na si Mam Violeta at si Noime naman ay nasa office niya sa Ayala.’’
Lumapit sila sa bahay.
“Malaki pala. Kakahanga ang asawa ko nakapagpundar nang ganyan kaganda at kalaking bahay.’’
“Nakakahanga nga po, Tatang Nado.’’
“Siguro kung hindi ako naging masama, baka mas lalo pang marami kaming naipundar na ari-arian.’’
“Oo nga po.’’
Natahimik si Tatang Nado.
“Gusto mo po bang makita si Mam Violeta?’’
“Parang hindi ko pa kaya Jo.’’
“Sisilipin lang po natin sa tindahan niya. Nasa Paco Market po ang puwesto niya.’’
“Paano kung makita niya ako?’’
“Iiwas po tayo. Basta po sisilipin lang natin.’’
“Sige Jo.”
Tinungo nila ang Paco Market. Malapit lamang iyon sa simbahan. Pumasok sila sa loob. Sa section ng mga damit sila nagtungo. Maraming tao sa loob.
“Ang dami palang tindahan ng damit dito.’’
“Dito po nag-umpisang kumita nang malaki si Mam Violeta.’’
“Marunong humawak ng pera.’’
Pumasok pa sila.
Hanggang sa makita nila ang malaking puwesto ng damitan. Maraming tindera roon. Hanggang makita ni Jo si Mam Violeta.
“Ayun po siya. Nakaupo.’’
Tiningnan ni Tatang Nado.
“Siya nga! Siya nga si Violy!”
(Itutuloy)
- Latest