Overweight at obese na teenagers (1)
Maraming teenagers ngayon ang matataba. Hindi lang simpleng overweight kundi obese. Madalas ay pinasisimple pa natin ang pagtawag dito gaya ng “chubby” para hindi gaanong masaktan ang damdamin ng mga kabataang matataba. Malupit din ang mga tao sa ating paligid. Kung ano ang ayaw na ayaw mong marinig, ‘yun pa ang sasabihin sa ‘yo. Ang taba-taba mo! Magana sa pagkain. Napabayaan sa kusina. At kung mas brutal pa, tatawaging baboy o elepante ang isang kabataang mataba. Nalilimutan nating bagama’t nakikitawa-tawa sila, ang kanilang pagpapahalaga sa sarili ay lubos na naaapektuhan sa mga ibinibigay na label sa kanila.
Ano nga ba ang obesity?
Ito yung kalagayan ng katawan kung saan ang deposito ng taba (body fat) ay sobra-sobra sa normal. Ang sinusukat ngayon ay hindi basta timbang lamang kundi ang tinatawag na Body Mass Index (o BMI). May panukat ito. Minsan, kahit ang isang tao ay hindi sobrang taba, posible na ring obese ito kung ang BMI reading nito ay mataas. Paano ba ginagawa ito? Kunin ang timbang (sa kilo). Pagkatapos ay i-divide ito sa height (sa metro). Kapag ang lumabas na resulta ay BMI reading nasa 25 hanggang 29.9, ang isang tao ay masasabing OVERWEIGHT. Pero kung ang resulta ng BMI ay nasa 30 pataas, tinatayang OBESE na ang isang tao. Kung nasa 40 pataas ang BMI, tinatawag na itong SEVERE OBESITY.
Hindi maganda ang pagiging obese sapagkat kaakibat nito ang maraming problema sa kalusugan gaya ng diabetis, alta presyon, sakit sa puso, stroke, ilang kanser, at posibleng magbigay-daan sa maagang kamatayan. Bagaman at ang mga komplikasyon ay hindi pa kagyat na makikita sa mga teenagers (lalabas lamang ito pag nagkaedad), maipapayo nang mag-ingat sila sa kanilang paraan ng pamumuhay nang hindi ito mauwi sa diabetis at alta presyon. Kadalasan, ang mga taong obese na habang teenagers pa lang ay nagiging obese na rin pagtanda.
Sa pagsulpot at pagdami ng mga fastfood chains sa bansa (na bawat order ng meal ay may kaakibat na French fries at softdrinks – at lagi pang may alok na i-upsize ito), hindi malayong magkaroon ng maraming kabataang Pinoy na masasabing overweight na o obese. Idagdag pa na karamihan sa mga kabataang ito ay mas gustong kumain sa labas kaysa sa bahay.
Mahalagang tingnan natin ang calorie content ng ating mga kinakain. Hindi natin napapansin na ang mga kinakaing sitsirya ng mga teenagers natin ay mataas sa calories. Idagdag pa ang pag-inom ng mga inuming matataas ang taglay na calories gaya ng softdrinks, juices, kape, at inuming nakalalasing. Halimbawa, ang isang baso ng softdrink o beer ay maaaring magtaglay ng 150 calories. Ang isang malaking baso ng fruit smoothie o frappuccino ay maaaring magtaglay ng 500 calories.
Bukod sa diet, dapat ding pagtuunan ng pansin ang ating physical activity, lahing pinagmulan, paraan ng ating pamumuhay, at mga gamot na ating iniinom.
- Latest