Libu-libong kalabaw at kambing, sabay-sabay na kinatay sa Nepal para sa Hindu Festival
ANG Gadhimai Festival ay isang pista na isinasagawa ng mga taga-Nepal para sa kanilang sinasambang diyosa na si Gadhimai. Tuwing ika-limang taon ginugunita ang nasabing festival at kasama sa pagdiriwang ay ang sabay-sabay na pagkatay sa libu-libong kalabaw at kambing.
Nasa limang milyon ang mga taong dumadagsa sa bayan ng Bariyapur sa Nepal upang maging bahagi ng Gadhimai Festival. Ngayong taon ay tinatayang aabot sa 10,000 kalabaw at 150,000 kambing ang kakatayin sa loob ng dalawang araw. Dahil sa dami ng mga kinakatay na mga kalabaw at kambing ay sinasabing ang Gadhimai Festival ang isa sa mga pinakamalaking pagdiriwang sa buong mundo pagdating sa dami ng isinasakripisyong hayop.
Halos isang buwan ang itinatagal ng Gadhimai Festival ngunit dalawang araw lamang ang nakalaan para sa sabay-sabay na pagkakatay ng mga kalabaw at kambing. Inuunang katayin ang mga kalabaw na karaniwang ginagawa kung Biyernes samantalang ang pagkatay sa mga kambing ay ginagawa naman kinabukasan.
Ayon sa mga sumasali sa ritwal, ginagawa nila ito upang mabiyayaan sila ng diyosa ng mga Hindu na si Gadhimai. Kinakatay nila ang mga kalabaw at kambing bilang alay upang matupad ang kanilang mga hinihiling mula rito.
Kinokondena naman ng animal rights group ang tradisyonal na festival dahil hindi makatarungan ang pagpatay sa mga hayop. Karamihan anila sa mga taong nag-aalay ng kanilang mga kambing at kalabaw ay hindi naman sanay sa tamang paraan ng pagkatay ng hayop.
Sa kabila ng mga reklamong ito, wala namang balak ang mga kinauukulan sa Nepal na pigilan ang sinaunang tradisyon.
- Latest