Ipis: Posibleng pagmulan ng allergy at atake ng hika
WALANG natutuwa sa ipis. Pero lalong hindi dapat ipagwalambahala ng mga taong may allergy at hika ang pagkakaroon ng mara-ming ipis sa kanilang tahanan.
Marumi ang ipis. Ito ang agad-agad nating ikinakapit sa ipis. Pero hindi natin naiisip na puwede itong pagsimulan ng sakit. Katunayan, isa ito sa karaniwang sanhi ng atake ng allergy bukod sa alikabok (housedust mite), molds, at balahibo ng hayop.
Totoo ba ito?
Opo, ang mga ipis ay matinding pinagmumulan ng allergen. Pero aling bahagi kaya ng ipis ang nakapagdudulot ng allergy?
May kinalaman kaya ang tae ng ipis?
Walang kinalaman ang tae ng ipis sa atake ng allergy. Sa mga alikabok na nagtataglay ng housedust mite, ang tae ng mga “mite” na ito ang pinanggagalingan ng allergy. Sa ipis, ang mga bahagi ng katawan ng ipis ang siyang mismong pinagmumulan ng allergy.
Natuklasan na may cockroach allergen nang magkaroon ng maraming kaso ng atake ng hika sa mga taong naninirahan sa siyudad. Nang sinuri ang mga ito para sa cockroach allergen, nagpositibo ang marami rito.
Ang pag-iwas sa mga ipis ang pinakamagandang paraan para makaiwas sa atake ng allergy at hika. Makatutulong ang sumusunod sa pagsugpo ng mga pesteng ipis:
Linisin ang lahat ng lugar na puwedeng pamugaran ng ipis
Laging itapon ang mga basura. Gawing araw-araw. Kung possible, takpan din ang mga basurahang ito.
Kung saan may makakain ang ipis, nandoon sila. Kaya itago nang maayos ang mga tira-tirang pagkain.
I-tsek ang mga tubo sa kusina, toilet at bathroom kung maayos pa ito. Baka dito nanggagaling ang mga ipis.
Maraming nabibiling pamatay ng ipis sa bahay. Merong “chalk” na nagtataglay ng kemikal na sapat makapatay ng mga ipis. Pero iwasan ang mga spray na posibleng malanghap natin (lahat ng kemikal ay hindi maganda sa katawan).
May preparation na may cockroach killing effect sa loob ng 24 oras. Mas mabuti ito.
Pinaniniwalaan na kahit mapatay na ang pinakahuling ipis sa bahay, posible pa ring may naiwan na cockroach antigen sa bahay na maaaring magtagal sa loob ng ilang taon.
- Latest