‘Hao-siao’ na ahente(?)’ (Pekeng ahente)
NAKA-AMERKANA, nakaporma at pusturang pang opisina. Nagkalat sila sa gilid ng daan at sa mall. Sabay tanong “Ma’am may insurance na kayo?”
“Sabi niya magdagdag lang ako ng bayad masasama na sa kinuha kong insurance ang scholarship ng anak ko. Dun ako napapayag dahil masisiguro kong makakapag-aral sila,” simula ni Charlita.
Ika-25 ng Nobyembre 2013 nang may lumapit na isang lalaki sa taga Tondong si Charlita dela Peña, 40 taong gulang.
“Nanay aalukin ka namin ng insurance antayin niyo lang ang kasama ko para siya mismo ang magpaliwanag sa inyo,” sabi ng nagpakilala sa pangalang Hans. Ilang sandali ang nakalipas dumating ang kasama nitong babae na si Cherry Rose Evangelista at ipinaliwanag sa kanya ang tungkol sa insurance.
“Habang nagsasalita siya naengganyo ako dahil hindi ko naman alam kung ano ang mangyayari sa akin,” sabi ni Charlita.
Kapag kumuha daw siya ng ibinebentang insurance pati ang kanyang mga anak ay makikinabang dito. Pinakita din daw sa kanya ang listahan ng mga presyo ng insurance. May tatlong libo at ang pinakamahal ay ang Php13, 200. Ang kompanyang pinagtatrabahuan ni Cherry ay ang Mahar Insurance Angency Inc.
“Yung pinakamura dapat ang kukunin ko pero sabi niya mas maganda daw yung pinakamahal kung gusto kong masama ang mga anak ko,” kwento ni Charlita.
Nakinig naman si Charlita sa sinabi ng kausap. Binigyan siya nito ng ‘Insurance Program Application Form’. Ayon pa umano kay Cherry mabayaran lang ang halaga ng napiling insurance papautangin daw sila ng limampung libong piso. Huhulugan na lang daw ang utang ng Php4,200 bawat buwan.
“Nag-iwan muna ako sa kanya ng contact number. Wala pa kasi akong pambayad,” ayon kay Charlita.
Hindi umano siya tinantanan ni Cherry. Araw-araw itong bumabalik sa kanyang tindahan. May panahon pa na naghihintay umano ito kung magkano na ang kanyang benta. Hinuhulugan ni Charlita ang pagbayad kay Cherry. Una siyang nag-abot ng Php360.00 at nagsabi itong babalik kinabukasan dahil kailangan na daw niyang mabayaran ang buong halaga.
“Sabi ko wala akong pera kasi sa katapusan pa magpapadala ang OFW kong mister. Mangutang daw muna ako,” ayon kay Charlita. Naghulog ng isang libong piso si Charlita sa Cebuana sa pangalan ni Cherry. Nag-text naman daw ito na natanggap na niya ang pera.
“Sa ika-2 ng Disyembre babalikan kita. Pagdating ng pera mo bayaran mo na para masama pa ang scholarship ng mga anak mo,” sabi ni Cherry. Nang makuha ni Charlita ang padala ng mister agad siyang nagbayad kay Cherry ng Php9, 120.00. Halagang Php10, 800 ang kabuuang nabayaran ni Charlita. Ayon umano kay Cherry ang kulang daw ni Charlita sa insurance ay matagal pa babayaran. “Nangako siya na aayusin niya na ang policy at kontrata. Siniguro niya pa na hindi daw yun peke. Kinabukasan siya babalik para ibigay sa akin ang resibo at policy,” pahayag ni Charlita.
Ilang araw na ang nakakalipas hindi pa bumabalik si Cherry. Tinawagan ito ni Charlita at pinaghintay siya hanggang Enero. Umabot na ng Marso 2014 ang kanyang paghihintay hindi pa din nagpapakita ang kanyang kausap.
“Panay ang text ko sa kanya pero hindi na siya sumasagot,” ayon kay Charlita. Kwento ni Charlita hindi lang daw siya ang kumuha ng insurance kay Cherry sa kanilang lugar. Maging ang kompanya ay tinatawagan niya ngunit sabi ng mga ito kailangan daw na mismong si Cherry ang makausap niya. Hinintay niya na lang ang pagbalik nito sa kanilang lugar. “May taga Mahar ang nagpunta sa lugar namin. Tinanong ko siya kung ano na magiging lagay ng kinuha kong insurance. Sabi niya hindi daw totoo yung scholarship at lending. Insurance lang daw talaga ang meron sila,” salaysay ni Charlita.
Walang hawak na resibo si Charlita dahil hindi pa daw ito naiibigay ni Cherry. Lumapit siya sa aming tanggapan dahil gusto niyang mabawi ang perang ibinayad niya dito.
PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag tumawag kami sa opisina ng Mahar at ayon sa kanila hindi na daw dun nagtatrabaho si Cherry. Marami din daw branch ang kanilang opisina at wala daw tala dun si Charlita.
Itinampok namin ang kwento ni Charlita sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo lahat ang mga isinalaysay nitong si Charlita maliwanag na may panlilinlang na nangyari na si Cherry ang may gawa.
Isang elemento ang hinahanap para masampahan ng kaukulang kaso ay yung ika’y nakinabang ng labag sa batas sa pamamagitan ng pagkuha ng pera ng iba. Ito’y pinagtibay ng Mahar Insurance Agency Inc. Kasong ‘Estafa’ ang maaaring ihabla sa kanya.
Maging babala din ito sa ating mga kababayan na huwag basta magtitiwala sa mga taong basta na lamang susulpot sa ating lugar para mag-alok ng anumang bagay.
Karamihan sa kanila ay hindi na natin mahahagilap kapag nakapagluwal na tayo ng halagang hinihingi nila. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest