Tigdas sa bata: Paano maiiwasan?
ANG tigdas (measles) ay isang nakakahawang sakit ng mga bata edad 6 months hanggang 12 years. Ang tigdas ay galing sa measles virus (medical term ay rubeola). Kadalasan ang mga bata sa mahihirap na bansa ang nagkakaroon ng tigdas.
Ang sintomas ng tigdas ay lagnat, sipon, ubo at kakaibang rashes sa buong katawan. Nag-uumpisa sa lagnat na tumitindi pagdating ng 4 hanggang 5 araw. Pagkatapos, lalabas ang makapal na rashes mula sa mukha pababa sa buong katawan. Kapag nakakita ka na ng batang may tigdas, alam mo na ang hitsura nito. Pagkalipas ng 4 hanggang 5 araw, mawawala na ang rashes at ang lagnat.
Seryoso ang sakit na tigdas dahil puwedeng magka-komplikasyon. Isa sa bawat 10 bata na may tigdas ay magkakaroon ng impeksyon sa tainga na puwedeng kumalat sa utak. Isa sa bawat 20 bata ay magkakaroon ng pulmonya, at isa sa bawat 500 bata ay namamatay sa tigdas.
Paano nakakahawa ang tigdas? Ang virus ng tigdas ay maaaring maipasa ng batang maysakit sa ibang bata sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahin. Kapag natamaan sila ng tigdas, maghihintay muna ng 8-12 araw bago lalabas ang mga sintomas ng tigdas.
Kailangan maihiwalay ang mga batang may tigdas. Nakakahawa ang mga bata sa loob ng 4 na araw bago magkaroon ng sintomas ng tigdas, at hanggang sa 5 araw pagkatapos lumabas ang mga rashes.
Gamutan sa tigdas:
Mahabang pahinga at pagtulog ang kailangan ng bata.
Kapag may mataas na lagnat, puwedeng punasan ang bata ng maligamgam na tubig gamit ang bimpo.
Painumin nang maraming tubig ang bata.
Tanggalin ang mga muta sa mata sa pamamagitan ng tubig na may konting asin.
Diliman din ang kuwarto dahil sensitibo ang kanilang mata sa liwanag.
Kapag may ubo at plema, binibigyan ng doktor ng antibiotic at gamot sa ubo.
Para sa kati ng rashes, puwedeng pahiran ng Calamine lotion at bigyan ng gamot sa kati.
Gupitan din ang mga kuko ng bata at lagyan ng guwantes ang kamay. Ito’y para hindi kamutin ang rashes dahil magsusugat ito.
Paano iiwas sa tigdas?
Ang bakuna ang pinaka-mabisang panlaban sa tigdas. Ito ay kasama sa MMR vaccine kung saan may panlaban ito sa measles, mumps at rubella. Pabakunahan ang mga sanggol at bata sa health center sa edad 9 buwan at 15 buwan. Puwede na rin bakunahan ang 6 months na bata.
Tandaan: Nakamamatay ang tigdas. Kaya pabakunahan ang mga anak sa health center.
- Latest