EDITORYAL - May itinatago kaya umiiwas?
APAT na executives ng Office of the Vice President (OVP) ang patuloy na iniisnab ang hearing ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong Lunes. Ilang beses na silang pinadalhan ng imbitasyon para sa pagdinig kaugnay sa iregularidad ng paggasta ng pondo ng OVP at sa confidential funds na ginasta sa loob lamang ng 11 araw. Ang hindi pagdalo ng apat ang dahilan para sila i-contempt at ipinaaaresto. Ang mga pinaaaresto ay sina Gina Acosta, OVP Disbursing Officer; Lemuel Ortonio, OVP Assistant Chief of Staff and Bids and Awards Chairperson; Sunshine Fajarda, dating DepEd Assistant Secretary at mister na si Edward Fajarda, dating DepEd Disbursing Officer.
Dumalo naman sa pagdinig ang apat pang OVP executives na sina: Rosalynne L. Sanchez, OVP administrative and financial services director; Julieta Villadelrey, OVP chief accountant; Kevin Gerome Tenido, OVP chief administrative officer; at Edelyn Rabago, OVP budget division officer-in-charge. Hindi pa bumabalik sa bansa ang isa pang OVP official na inimbitahan din ng Kamara. Umalis noong Nobyembre 4 patungong United States ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte na si Undersecretary Zuleika Lopez.
Ang pang-iisnab ng mga opisyales ng OVP ay lalo namang nagbibigay ng pagdududa na mayroon nga silang itinatago kaugnay sa paggastos ng pondo at ganun na rin sa confidential funds. Bakit kailangang may umalis ng bansa? Bakit hindi harapin ang mga nag-iimbestiga at sagutin ang inaakusa? Ang patuloy na pag-iwas ay nagpapahiwatig na may inililihim. Noong Miyerkules, dumalo si Vice President Sara Duterte sa Senado kaugnay sa budget ng kanyang tanggapan. Kung nagawa niyang dumalo sa Senado, magagawa rin niyang dumalo sa Kamara.
- Latest