Nagpapanggap na kasambahay
HINDI garantiya ang mga maid agency na ligtas na kayo sa mga kawatan at mga nagpapanggap na kasambahay.
Kadalasan, ang mismong agency pa nga ang ginagawang daan ng mga dorobo para madaling makapasok at makahanap ng among maloloko at masasalisihan.
Gamit ang konting ideya sa mga gawaing bahay, palusot at konting palabok sa pagsisinungaling, madali silang nakakaÂpasok at nakakahanap ng kanilang target.
Sa mga miyembro ng pamilya partikular ang mga ina ng tahanan, para sa inyo ang All Points Bulletin na ito.
Kamakailan, isang ginang ang nabiktima ng kanyang kasambahay na mahigit isang buwan palang na naninilbihan sa kanila.
Sumbong ni Anne sa BITAG, sa una’y maganda at maayos makitungo ang nagpakilalang isang Caila Marasigan.
Nagkuwento pa umano ito ng kanyang talambuhay maging ang kasalukuyang sitwasyon ng pamilya partikular ang bunsong anak na babae.
Ang pobreng amo, walang kaalam-alam na estilo ito ng suspek. Nilalansi na pala siya ng kasambahay.
Matapos makuha ang loob at awa mula sa amo, ang sunod na hirit ng suspek, nasa hospital daw ang kanyang apat na taon na bunso at nangangailangan siya nang malaking pera.
Dahil maayos namang makitungo ang nagpapanggap na kasambahay, ang amo, tila na-hipnotismo raw.
Nadenggoy nito ang amo ng P100,000 na pinadeposito sa banko sa pangalan ng kung sinumang Barabas. Dalawang beses munang nakapaglabas ng pera ang biktima bago pa niya nalaman na na-modus siya ng kasambahay.
Sa social networking site, napag-alaman ni Anne na walang katotohanan ang mga dahilan ng kanyang kasambahay tulad ng pakilala nito sa ilan pa niyang biktima.
Hindi layunin ng BITAG na siraan ang mga nasa industriya ng maid agency.
Nagbibigay lamang ako ng babala sa publiko partikular sa mga naghahanap ng kasambahay, kayo ang target ng mga mapagpanggap at manloloko.
- Latest