EDITORYAL - Sige, subukan babaing labor attaché sa Mideast
MAAARING mga babae na ang gawing labor attaché sa Middle East. Ilan sa mga bansang posibleng magkaroon umano ng babaing labor attaché ay ang Saudi Arabia, Kuwait, United Arab Emi-rates, Qatar at Oman. Ang mga nabanggit na bansa ay maraming overseas Pinoy workers na kinabibilangan ng mga babae. Ang balak na paglalagay ng babaing labor attaché ay kasunod ng mga akusasyon sa mga kalalakihang official ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) sa Kuwait at Saudi Arabia. Unang inakusahan ang labor offficials sa Kuwait na “ibinubugaw†ang mga babaing OFW na nakatira sa shelter ng embahada kapalit ng tiket para makauwi sa Pilipinas.
Ganito rin ang ginawa sa tatlong babaing OFWs sa Riyadh, Saudi Arabia na para makauwi sa Pilipinas ay ibinugaw ng isang labor attaché. Ayon pa sa tatlong OFWs, minolestiya rin sila ng attaché. Pinauuwi na ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang attaché at haharapin nito ang patung-patong na reklamo mula sa mga nabiktimang OFWs sa Riyadh. Umano’y marami pang biktima ang lulutang para madiin nang husto ang labor attaché. Si Akbayan party-list Rep. Walden Bello ang unang nagbunyag sa “sex-for-flight†scheme.
Maganda ang suhestiyon na babae ang italagang labor attaché sa Middle East. Kung babae nga naman ang opisyal, hindi nito mapagnanasaan ang mga babaing OFWs. Hindi rin naman maaaring mambugaw. Mas madaling lapitan ng kapwa babae at madaling magkakaintindihan sa problema. Dahil babae, malalaman niya ang mga sinasasaloob ng babaing minaltrato ng amo.
Pero hindi porke babae ang attaché ay hindi na mahaharap sa mga kontrobersiya. Kailangan pa rin namang idaan sa mahigpit na pagsusuri ang itatala- gang babaing attaché. Nararapat na ang attaché na ilalagay ay marunong kumalinga sa mga minamaltrato at inaabusong OFWs. Siya ang nararapat na magtatanggol sa mga kababayang inaapi lalo pa nga at babae.
Idaan sa mahusay at matalinong pagpili ang itatalagang labor attaché para hindi na maulit ang mga pagsasamantalang ginagawa sa mga kawawang babaing OFWs. Mga taong may pagpapahalaga sa kapwa ang nararapat italagang labor attaché. Putulin na ang kahayukang ginagawa ng mga lalaking labor officials sa Middle East.
- Latest