EDITORYAL - Anong klaseng bilangguan ang NBP?
BILIBID or not talaga ang National Bilibid Prisons (NBP). Ngayon lamang makakabalita na puwede palang maipasok kahit ano sa NBP na hindi nade-detect ng guwardiya. Ano kayang klaseng guwardiya mayroon ang NBP?
Noong nakaraang linggo, nayanig sa pagsabog ng granada ang maximum security area ng NBP. Isang granada ang inihagis ng isang inmate sa isang grupo ng inmates. Anim ang sugatan sa pagsabog. Umano’y iringang magkalabang gang sa loob ang dahilan. Bawat isa ay gustong magprotekta sa isang convicted drug lord.
Nakapagtataka kung paano naipasok ang granada. May mga jailguard naman na kumakapkap at nagrerekisa sa lahat ng mga pumapasok sa loob ng NBP. Hindi kaya dumating ang araw na pati machine gun ay maipasok sa maximum security na hindi nadi-detect ng mga jailguard?
Sinibak na ni Justice Leila de Lima ang apat na NBP officials at buong grupo ng jailguards. Nagkaroon naman nang paghihigpit mula nang mangyari ang pagsabog. Maglalagay pa umano ng karagdagang CCTV camera para lubusang makita ang mga nangyayari sa paligid ng NBP.
Maraming kapalpakan sa NBP. Maraming VIPs (Very Important Prisoners) na naglalabas-masok. Isang dating governor ang nakakalabas sa NBP para dalawin ang office sa Makati. Isang dating congressman ang nakapagbabakasyon sa kanyang probinsiya sa Mindanao. Si convicted murderer Rolito Go ay nakidnap mismo sa loob ng NBP at dinala sa isang resort at nagbayad pa umano ng ransom.
Ilan lamang yan sa mga kapalpakang nangyayari sa NBP. At ngayon nga ay granada naman ang walang anumang ipinapasok. Sumisingaw din ang umano’y talamak na bentahan ng illegal drugs sa NBP. Umano’y kasangkot ang ilang guwardiya sa bentahan ng droga.
Nagsagawa na ng pagbabago si Secretary De Lima sa NBP sa pamamagitan ng pagsibak sa mga opisyal. Sana magtuluy-tuloy pa. Mas maganda kung sisibakin mula taas hanggang baba.
- Latest