Nagpanggap na patay: Ginang dinukot sa Makati, itinapon sa Cavite
MANILA, Philippines — Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng pulisya sa kaso ng pagdukot sa isang ginang sa Makati at natagpuan sa Cavite matapos na magpanggap na patay at iwan ng mga suspek nitong Biyernes ng madaling araw.
Sa salaysay ng biktimang si “Nena”, 67, residente ng Makati City, naglalakad siya malapit sa kanyang tinitirhan upang I-meet ang kanyang kaibigan nitong Setyembre 17 bandang alas-8 ng gabi.
Bigla umano siyang sabayan sa paglalakad ng dalawang lalaki at isa rito ang tinakpan ang kanyang ilong hanggang sa mawalan ng malay.
Nagising na lamang siya sa loob ng isang kwarto at nakagapos ang mga kamay at paa, naka-duct tape ang bibig at nakatakip ang mata. Hindi rin niya namalayan ang oras o araw.
Nang dumating ang mga suspek ay binitbit siyang muli ng mga ito at isinakay sa isang sasakyan. Iniwan umano siya ng mga suspek sa loob ng sasakyan na tumagal ng ilang oras.
Dito naisip ng biktima na magpatay-patayan at nang bumalik ang mga suspek, inakala rin ng mga ito na patay na ang biktima kung kaya nagpasya ang mga itong itapon ang una sa isang drainage malapit sa F. De Castro Elementary School sa Congressional Road Brgy. F. De Castro, GMA, Cavite kung saan natagpuan ng isang security guard dakong alas-4:30 ng madaling araw nitong Biyernes.
Nakarekober ang pulisya ng isang infinix celphone na hinihinalang pag-aari ng mga suspek gamit sa pakikipagtransaksyon sa pamilya ng biktima.
Isinailalim sa medical examination ang biktima at na-iturn over na ang kaso sa Makati Police.
Nagsasagawa pa rin ng follow-up investigation ang pulisya sa kaso.
- Latest