Ilog sa South Cotabato nilinis ng mga etnikong Blaan
KORONADAL CITY, Philippines — Aabot sa halos isang toneladang basura ang nakolekta mula sa mga bahagi ng Altayan River sa Tampakan, South Cotabato ng mga residente at mga kawani ng isang pribadong kumpanya kaugnay ng kanilang magkatuwang na programang pagpapanatili ng kalinisan ng mga ilog at mga batis sa naturang bayan.
Sa ulat, kinumpirma ng mga lokal na opisyal ng Tampakan, kabilang sa kanila ang Blaan tribal leader na si Domingo Collado, Indigenous Peoples Mandatory representative sa kanilang Sangguniang Bayan, na nagtulungan sa paglilinis ng Altayan River ang mga residente ng Barangay Liberty at mga empleyado ng Sagittarius Mines Incorporated o SMI.
Ang mga basurang naipon sa Altayan River ay mula sa mga tirahan ng mga residente sa mga kabundukan sa paligid, ayon sa mga barangay officials ng Liberty, isa sa mga barangay na sakop ng Tampakan.
Ayon kay Collado, suportado ng tribong Blaan ang mga environment-protection programs ng mga lokal na komunidad at ng SMI, na may pahintulot mula sa Malacañang na magmina ng copper at gold sa Tampakan na posibleng pasisimulan sa susunod na taon.
Bagama’t hindi pa nakakapagmina ng copper at gold ang SMI sa Tampakan, malawak na ang mga joint environment-protection programs nito ng mga residente ng lahat ng barangay sa naturang bayan, ayon sa mga hiwalay na pahayag ng mga Blaan tribal leaders at mga municipal officials.
- Latest