4 LGUs sa Region 12, tumanggap ng parangal
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Apat na local government units sa Soccsksargen ang tumanggap ng parangal kaugnay ng katatapos lang na pag-obserba ng National Nutrition Month bilang pagkilala sa malawakang kampanya ng bawat isa upang masawata ang malnutrisyon sa sektor ng kabataan.
Isa sa nabigyan ng National Nutrition Council ng Regional Award for an Innovative Service Deliveries on Eradicating Malnutrition, o RAISE, ang Cotabato local government na tanyag sa Soccsksargen, o Region 12, sa mga programang naglalayong masugpo ang malnutrisyon ng mga kabataang Moro, Kristiyano at mga indigenous tribes na sakop ng administrasyon ni Gov. Emmylou Taliño-Mendoza.
Tumanggap din ng naturang parangal, sa seremonyang ginanap nitong Biyernes sa Koronadal City, ang mga LGUs ng Sarangani province, General Santos City, at ng Malungon sa Sarangani; pawang sa Region 12.
Nagpahayag naman ng kagalakan si Midsayap Mayor Rolly Sacdalan at ang manggagamot na si Kadil Sinolinding, Jr., miyembro ng Bangsamoro parliament, sa pagtanggap ng kanilang provincial government ng RAISE award.
Ayon kay Sinolinding, residente ng Kabacan, Cotabato na naging tagapamahala ng National Nutrition Council-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao bago naging miyembro ng BARMM parliament, napaka-entensibo ng mga anti-malnutrition programs ng kanilang gobernadorang si Mendoza.
Ayon kay Sacdalan, siya ay nagpapasalamat sa Integrated Provincial Health Office-Cotabato at sa provincial social welfare office na parehong sumusuporta sa kampanyang masugpo ang malnutrisyon sa buong probinsya na may 17 na mga bayan at mahigit 40 na barangay sa kabisera nito, ang Kidapawan City.
- Latest