Gas station hinoldap: 1 bulagta, 2 tugis
MANILA, Philippines — Patay ang isang holdaper habang dalawa pa nitong kasamahan ang nakatakas matapos na mauwi sa shootout sa mga humabol na pulis ang panghoholdap ng mga ito sa isang gas station sa bayan ng Pangantucan, Bukidnon kamakalawa.
Sa report ng Bukidnon Police, ang nasabing suspect ay isang 24 anyos na lalaki na taga Pagalungan, Maguindanao del Sur habang patuloy na tinutugis ang dalawa nitong nakatakas na kasamahan.
Ayon sa pulisya, dakong alas-10 ng umaga nang holdapin ng mga suspect ang GT Fuels gas station sa Brgy. Adtuyon, Pangantucan.
Nagpanggap umano na mga kustomer ang mga suspek pagdating nila sa gas station at biglang nagdeklara ng holdap sa 42-anyos na cashier. Mabilis na nilimas ng mga suspek ang P5,000 na benta ng gas station, isang iPhone 11 na nagkakahalaga ng P15,000 bago tumakas lulan ng kulay abong Toyota Fortuner (GAN 8450).
Dumaan pa ang mga tumatakas na suspek sa isang police checkpoint sa highway ng Brgy. Adtuyon, Pangantucan pero hindi huminto na tumahak patungong Kalilangan, Bukidnon.
Nagkaroon ng ilang minutong habulan sa pagitan ng mga suspek at ng mga pulis kung saan nahulog ang sasakyan sa may kanal sa Sitio Bugwak, Brgy. Bacusanon ng nasabing bayan pero sa halip na sumuko ay nakipagbarilan sa mga operatiba na ikinasawi ng isa at nakataks ang dalawa. Narekober naman sa encounter site ang isang cal. 45 pistol , granada, sari-saring mga bala, mga personal na kagamitan kabilang ang mga cellphones at iba pa.
- Latest