9 opisyal ng Nueva Ecija Police binalasa
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija , Philippines — Nagsagawa ng “minor reshuffling” o pagbalasa ang Nueva Ecija Police na kinabibilangan ng pitong police station commanders at dalawang provincial mobile force company commanders bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa nalalapit na 2022 national elections.
Ipinag-utos ni P/Col. Rhoderick Campo, provincial director ng Nueva Ecija Police, ang pagtatalaga kay Lt. Col. Norman Cacho, dating hepe ng Guimba Police bilang bagong hepe ng San Jose City Police Station kapalit ni Lt. Col. Criselda De Guzman na nakatakdang mag-schooling.
Itinalaga naman sa bayan ng Guimba si Major Romualdo Lopez, na dating classmate ni Campo sa Philippine National Police Academy, at dating hepe ng Llanera Police Station.
Balik hepe naman ng Rizal PS si Major Reynaldo Ocumen, na dating police commander sa bayan ng Sto. Domingo at pinalitan niya si Major Sandy Bautista. Habang si Major Rommel Zagala ang kapalit ni Ocumen sa Sto. Domingo.
Nabatid naman na si Lt. Col. Robert Agustin ang mamumuno sa 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Cabanatuan City, habang si Lt. Col. Ranny Casilla ang hahawak sa 2nd PMFC naka-base sa San Jose City.
Nauna rito, pinalitan ni Lt. Col. Jackyll Bilibli si Lt. Col. Heryl Bruno bilang hepe ng Talavera PNP. Itinalaga naman si Bruno na hepe ng Mabalacat City Police sa Pampanga.
Pinapalitan din ni Campo na hepe sa bayan ng Bongabon si Major Steven Dela Cruz, na nag-early retirement option at ang kapalit niya ay si Major Nelson Sarmiento.
- Latest