20 bangkay ng PNP-SAF narekober sa palayan
MANILA, Philippines – Natagpuan na ang bangkay ng mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) matapos makaengkwentro ang pinagsamang puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao kahapon..
Ayon sa mga ulat, halos 30 miyembro ng PNP-SAF ang nasawi nang makapalitan ng putok ang mga rebelde sa Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano.
Sinabi ni Senior Supt. Noel Armilla, officer-in-charge ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) police, na maaari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi.
Nagsimula ang insidente matapos umanong paputukan ng PNP-SAF ang bahay ng isang Ian Manan, senior official ng 105th Base Command ng MILF.
Pinaghahahanap umano ng mga awtoridad ang Malaysian terrorist at bomb expert na si Zulkifli Bin Hir na kilala rin sa bansag na “Marwan,” at ang kasamahan niyang si Basit Usman.
Nang sumiklab ang putukan ay rumesponde ang iba pang miyembro ng MILF sa lugar.
Sinabi ng MILF na pumasok ang PNP-SAF sa Barangay Tukanilap ng walang pakikipag-ugnayan sa joint ceasefire committee at International Monitoring Team (IMT).
“The incident was a very unfortunate, saddening development. It was a misencounter that happened due to lack of coordination based on agreed security protocols,” banggit ni Muhaquer Iqbal, chief negotiator ng MILF.
Samantala, kinumpirma ni BIFF spokesperson Abu Misry Mama na may napaslang silang mga awtoridad na nawalan ng mga bala sa gitna ng bakbakan.
Kinukumpirma naman ng Humanitarian Emergency Assistance and Response Team ng ARMM kung may nadamay bang residente sa engkwentro ng mga awtorida at mga rebelde.
- Latest