Sa unang araw ng gun ban… Barangay chairman itinumba sa sayawan
TUGUEGARAO CITY, Philippines - Nabahiran ng karahasan ang unang araw ng pagpapatupad sa gun ban kasabay ng pagsisimula ng election period matapos ratratin at mapatay ang 43-anyos na barangay chairman ng ‘di-kilalang lalaki sa selebrasyon ng kapistahan sa bayan ng San Pablo, Isabela kamakalawa ng gabi.
Dalawang bala ng cal. 45 pistol sa ulo ang tumapos sa buhay ni Chairman Victor Soriano Acoba ng Barangay San Vicente sa nabanggit na bayan.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Franklin Mabanag, provincial police director ng Isabela, nasa gitna ng saÂyawan ang biktima at misis nito kasama ang iba pang opisyales ng bayan nang lumapit at paputukan ng nag-iisang gunman.
Naganap ang krimen sa Delfin Albano Hall, Brgy. Poblacion Centro bandang alas-10:30 ng gabi.
Sinamantala ng gunman ang kaguluhan sa loob ng gym at nakihalo sa nagsisigawang tao palabas ng sayawan.
Ayon sa hepe ng pulisya na si Chief Insp. Jacob Dangpason, may dalawang naunang pagtangka sa buhay ng biktima.
Una ay noong 2009 nang makaligtas ito sa pananambang at ang ikalawa ay noong Agosto 2012 nang muli itong makaligtas matapos pagbabarilin ng gunmen ang kanyang bahay.
Inaalam ng pulisya kung may bahid-pulitika ang naganap na pagpatay.
- Latest