Malabon LGU namahagi ng Malabon Ahon Blue Card 2025
MANILA, Philippines — Sinimulan na ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval nitong Biyernes ang pamamahagi ng unang tranche ng Malabon Ahon Blue Card (MABC) na tulong pinansyal para sa taong 2025.
“Kasabay ng ating pagdiriwang ng buwan ng pag-ibig, ay nakakatuwa pong ibalita na atin na pong sisimulan ang pamamahagi ng ating unang ayuda para sa 2025” ani Sandoval.
Ayon kay Sandoval, bahagi ito ng layuning mas mailapit ang tulong at serbisyo para sa Malabuenos.
Nabatid sa City Monitoring, Evaluation, Accountability, and Learning (MEAL) Office, ang 86,674 qualified MABC holder ay maaaring mag-withdraw ng tulong pinansyal sa alinmang BancNet-powered ATM o sa alinmang sangay ng Universal Storefront Services Corporation (USSC) hanggang Pebrero 28, 2025 ng gabi.
Pinayuhan ng MEAL ang mga Malabueño na agad na makipag-ugnayan sa USSC kung may kuwestiyon tulad ng PIN update, nawala at nasira na mga card. Iwasan ding mabasa o masira ang kanilang mga MABC.
Samantala, pinangunahan din ng alkalde ang soft launching ng MABC Eskwela Savings Program para sa mga Grade 1 students na nagbibigay-daan sa mga mag-aaral na makaipon ng pera at makatulong sa kanila sa hinaharap. May paunang pondo na P1,000 ang mga mag aaral.
Sinabi naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete, na patuloy lamang ang city government sa pagbibigay ng suporta at benepisyo sa Malabueños.
- Latest