1 araw na suweldo idodonasyon ng Cordillera Police sa typhoon victims
MANILA, Philippines - Isang araw na suweldo ang idodonasyon ng mga pulis sa buong Cordillera Region para sa mga biktima ng bagyong Pablo sa Compostela Valley at Davao Oriental na grabeng sinalanta ng delubyo.
Ayon kay Cordillera Police Director P/Chief Supt. Benjamin Magalong, ito’y bilang pakikiramay sa mga naging biktima ng kalamidad lalo pa at ang nasabing mga lalawigan ang pinakagrabeng nilumpo ng bagyo ang kabuhayan ng mamamayan dito.
“I ordered my men to observe the long time treasured- “Bayanihan System” during times of calamity in which thousands of people were affected by the wrought of Typhoon Pablo that struck many areas of the country by donating their salary for a day to the calamity victims”, ani Magalong.
Sinabi ni Magalong na ang pagdodonasyon ng isang araw na suweldo na kakaltasin sa mga pulis ay mandatory para sa lahat ng mga police commissioned officers.
Samantalang ang mga non-uniformed personnel at non commissioned police officers ay boluntaryo kung nais ng mga itong magdonasyon ng kanilang isang araw na suweldo.
Ipinaabot rin ni Magalong ang kaniyang pakikisimpatiya at panalangin para sa mga biktima sa trahedya ng kalamidad.
- Latest